Ang Tarictic

Ang Mindoro Tarictic (Penelopides mindorensis),isang uri ng hornbill, ay matatapuan lamang sa isla ng Mindoro. Karaniwang tinatawag dito ay Tariktik o Tangway at Tagiptip naman sa mga Mangyan.

  Ang babae at lalaking Tariktik ay magkahawig at malalaman lang kung ito ay babae dahil sa mas maliit ito at medyo kulay asul ang mukha nito.

Kalimitang grupo-grupo ang mga Tariktik kapag naghahanap ng makakain. Kalimitan, may isang ibon sa grupo nito, ang tatayong “lookout” ng grupo na magbabantay kung mayroong predator sa paligid bago dumapo ang buong grupo ng mga Tariktik para kumain.  Ang karaniwang kinakain ng Tariktik ay mga bunga ng mga puno ng Balete, Dao, Is-Is, Igyo, Malugai, Kalumpit, Tuway at Dunguan. Paminsan-minsa ay kumakain din sila ng mga maliliit na insekto. 

Sa mga buwan ng Abril at Mayo nagtatalik ang mga Tariktik. Hindi na nagpapalit ng kapareha ang mga Tariktik.  Ayon sa mga dalubhasa, kapag ang isang lalaking Tariktik ay napatay o nahuli ng mga mangangaso, ang kapareha nitong babaeng Tariktik ay mamamatay din dahil sa gutom dahil kapag ang mga ito ay malapit ng mangitlog, hindi na ito umaalis sa pugad nito at sa halip ay umaasa sa pagkaing dadalhin ng lalaking Tariktik.

Kapag nakita mong ipinagbibili ang mga ibong galing sa gubat tulad ng Tariktik, wag kayong bibili at sa halip ay ipagbigay alam sa kinauukulan.

Mahalaga ang ating mga maliliit na sakripisyo at pagkilos--Lahat alang-alang sa ating pagmamahal sa Diyos!